“HEROES”

Ang mga mamamatay-tao, nandadakip, mga kurakot, mga mahilig mang-torture, mga gang-rapists ay di dapat tawaging mga bayani kailanman.

 

Nobyembre 8, 2016

Pinayagan ng Korte  Suprema, ang pinakamataas na korte sa kapuluan, na ilagak ang pinatigas na bangkay ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ilang dekada matapos siyang mapatalsik ng mga tao sa salang pagnanakaw at paglabag sa maraming karapatang pantao at pangkalikasan.

Bagama’t noon pa man, hindi ko na personal na kinikila ang Korte Suprema bilang tunay na tagapagtaguyod ng hustisya sa kapuluan, hindi maaaring palipasin na lang ang paksang ito. Nagtatalaga tayo ngayon ng isang tanikala na tatak sa isip ng susunod ng mga henerasyon. Mga henerasyong maniniwala na ang mga nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani ay tunay ngang mga bayani. Ipapasa sa kanila ang  isang hinugasang bersyon ng kasaysayan kung saan ang mga makikita ay ang mga kasaganaan ng mga elite noong Martial Law, at hindi ang kawalang proseso sa walang habas ng pagdakip, pagpatay, panggagahasa, at pag-torture.

Marami ang pwedeng magpasubali sa mga “akusasyon” na ito. Marami ding pwedeng magsabi na wala akong alam dahil hindi ako nabuhay noon. Pero hindi maikakaila na marami ang na-torture na buhay pa din, mga ginahasa ng isang platoon ng sundalo, at mga bangkay na hindi pa din nakikita. Implosible din namang ang ilang libong mga tula, kwento, nobela, artikulo, balita na nagsasalaysay ng kawalang-hiyaan ng gobyernong iyon  ay mga kathang-isip lang ng ilang libong katao. Mga sulatin na pilit ipinapaalala sa mga susunod na henerasyon na  lingunin palagi ang mga krimen sa nakaraan para hindi muling mabiktima sa hinaharap.

Sa paggagawad ng tawag na Bayani sa isang tagasikil ng kalayaan ng sariling kababayan, hindi malabong mangyari na magka-lakas ng loob sa hinaharap ang mga nasa kapangyarihan na pagkaitan ng kalayaan ang mas nakararami para sa sarili nilang kasiyahan. Maaari nilang kontrolin ayon sa gusto nila ang presyo ng bilihin, ang sahod, ang mga kalayaan sa pag-oorganisa, ang kahahantungan ng yamang likas, ang internayonal na pangangalakal, ang mga batas mismo,  ang mga nananaisin ng mga batang maging  sa paglaki nila, ang aspirasyon ng mga manggagawa,  ang ideya ng tao ginhawa, ang mabuti at masama. At sa huli, tatawagin  pa ang angkan nila na angkan ng mga bayani. Maaaring hindi na ito lantad at hindi na “martial law” ang itatawag dito, pero ang pagsikil sa kalayaan ay mas swabe ngunit mas malala pa.

Zombie Land

Isang maliwanag na araw, nagising kang puro Zombie ang nakakasalubong at nakakasabay sa lakad papunta sa iyong trabaho. Mabagal ang lakad mo dahil hindi ka pa nahuhuli sa oras. Samantala, mabilis ang lakad nila, di katulad ng mga Zombie na napapanood mo sa tv. Pero di ka nila napapansin. Malinis din ang mga damit, mukhang mga bagong ligo. Diretso lang sila sa kanilang pupuntahan na di mo alam kung saan. Di mo pa dapat mapapansin kung di ka pa masiglang bumulas sa loob ng jeep ng “Woo, ‘pasok na naman!,” na tila nambabati sa mga katabi mo. Walang sumagot o nagtaas man lang ng ulo sa mga katabi. Nakayukod pa rin, nakatitig sa sahig o sa daan, sa mga naglalakihang billboard, o kaya’y nakapako ang tingin sa mga cellphone habang nakasalampak sa tenga ang earphones. Doon mo napagtantong walang buhay at di tumitibok ang puso ng mga kasabay.

Isang bangkay ang nasa gilid ng kalsadang dinaanan. Nahagip ng tingin mo ang mukha ng bangkay na binalutan ng packing tape. Nagkukumpulan ang mga Zombie. Naisip mo, parang gusto nilang lantakan ang bangkay pero may tila pumipigil sa kanila. Nakatitig lang sila dito. At naisip mo, nakararamdam kaya ng awa ang mga Zombie sa bangkay gayong pareho lang naman silang hindi tumitibok ang puso, walang buhay?

Umitsa ng tingin ang mga kasama mo sa jeep sa direksyon ng bangkay. Dalawang segundo lang yata at umandar na ulit ang sinasakyan. Ang mga kasama mo sa jeep, balik ulit ang mga mata sa kung ano man ang tinititigan nila kanina. Naisip mo, bakit parang hindi nila napapansin na iba ka sa kanila. Hindi ba nila naririning ang tibok ng iyong puso, o naaamoy ang iyong dugo , gaya ng mga Zombie sa mga pelikula at tv?

Pagdating sa building ng pinapasukan mo, pumara ka at walang anu-anong pumreno ang nagmamaneho. Bumaba ka ng jeep. Bumaba din ang karamihan sa mga nakasakay. Pinagmasdan mo sila. Mabilis pa din ang mga paglakad pero wala parang imik sa mga nakakasabay, nakakabunggo o nakakagitgitan. Diretso sila sa iba’t ibang building na malapit din sa pinapasukan mo. Ang iba, sa building na pinapasukan mo mismo pumasok. Pumasok ka din sa salaming pinto, mas mabagal ang lakad mo dahil pinapanood mo pa din sila.

Sa lobby ng building, pumila ang mga Zombie. Isa-isang nag-punch sa digital na bundy-clock na araw-araw mo ding kinakamayan para ibigay ang siyam na oras ng araw mo. Nasagi naman ng tingin mo ang guwardiya sa tabi. Zombie na din siya. Bagsak ang mga balikat. Tantya mo, papatapos pa lang ang trabaho niya. Matamang naghihintay sa ka-relyebong gwardya. Nag-punch ka sa bundy-clock. Siksikan pero nag-uunahan pa din ang mga zombie papasok sa elevator kaya naisipan mong gumamit ng hagdan papunta sa cubicle mo sa 8th floor.

Sa cubicle mo sinimulan mo ang trabaho. Nasa mesa mo na daw ang assignment mo, nilagay ng boss mo bago ka pa dumating. Ikaw ang gagawa ng disenyo ng isang billboard na ihaharang sa langit sa EDSA. Isang nagmamalaking billboard na kahit Zombie ay alam mong hindi maiiwasang matitigan. Siyam na oras ang binuno mo sa pag-iisip kung paano masasabi sa patalastas na ginagawa na mas masarap tumae sa inidiro na ibinibenta ng inyong kliyente.

Limang oras kang nakaupo sa de-gulong na silya bago nadinig ang angal ng sikmura. Tanghalian at yosi lang ang pahinga mo. Namili ka ng masarap na pagkain mula sa mga establishment na umuupa sa inyong food court. Yung masarap ang pinili mo dahil sa panlasa na lang nagkaroon ng kulay ang buong araw mo. Kahit pa buong araw kang nag-aayos ng mga kulay at mga teksto. Chicken ang binili mo. Masarap ang hitsura, katakam-takam. Itinuro mo ang Chicken sa nagbabantay na hindi din kumikibo. Nagbayad ka at kumain mag-isa sa table. Tanaw mo din ang iba pang nagtratrabaho na mag-isa ding kumakain sa malawak na food court. Kinagatan mo ang manok. Unang sumagi sa dila mo ang mga pampalasang pinahid sa balat ng manok. Masarap ang pampalasa. Pero sa laman ng manok, naalala mo ang bangkay na nakatiwangwang nang ilang oras sa kalsada. Naitanong mo sa sarili, ilang oras kaya magtatagal ang bangkay na iyon sa kalsada? Saglit lang siguro ,di tulad ng manok mo na di mo alam kung kailan pa kinatay, at kung gaano kahaba ang itinagal sa freezer bago lutuin at i-display sa salaming pinagturuan mo kanina.

Natapos mo ang unang draft ng iyong assignment isang oras bago mag-ring ang bell na hudyat ng katapusan ng shift niyo. Ipapasa mo na sana sa opisina ng inyong boss pero sarado na ito. Nauna na siyang umalis. Inubos mo ang natitirang oras sa paglalaro sa iyong computer. Pag-ring ng bell, sabay-sabay na bumaba ang mga trabahador sa buong building, pumila at nag-punch sa bundy-clock. Nagpahuli ka pero parehong pareho ang galaw mo sa mga nauna sa iyo. Hapong hapo, mugto ang mga mata, at bagsak ang mga balikat.

Sa sobrang pagod, umigting ang kagustuhan mong umuwi agad. Aabutin ka ng gabi kung iistambay ka pa. Mahal din kung sa malapit ka kakain ng hapunan. Kaya napili mo na lang na makigitgit sa mga Zombie para makasakay. Sa sobrang pagod, napapikit ka ng matagal sa jeep. Nakapatong ang ulo mo sa kaliwang bisig na nakakapit sa bakal ng jeep. Paminsan-minsan nakakabitaw ka, dahilan para magising nang ilang ulit. Ang importante lang sa iyo ngayon ay makauwi para mapakagluto ng noodles at makatulog kaagad. Kung mahirapan ka mang matulog, manonood ka siguro ng pelikula tungkol sa sa kahit na ano, tungkol sa mga Zombie? Yun lang at wala ka nang ibang gagawin pag-uwi mo sa bahay. Wala ka nang oras at lakas pa para pagtuunan pa ng pansin ang  mga pusong di mo naririnig na tumibok.

 

 

 

Taks Barbin

Safehouse Infoshop, Diliman, QC

October 8, 2016

 

Tatlong Tula

Tatlong Tula 

binasa noong Mayo 27, 2016

sa Everything Is Stolen exhibit

Proj. 20 Maginhawa St. Diliman QC, Phil.

 

 

Pagsumpa  sa Watawat ni Haring Philip

 

Ako raw ay Pilipino

Noong  ako ay  7years old ay buong katapatan nang pinasumpa sa watawat ng Pilipinas

Na noong una ay nag-uugnay sa maraming lahi.

Sa isip ko ay tinutuktok , at ako ay inuutusan

Na maging hungkag,  tagasunod , tagabayad ng buwis para raw maging kapakipakinabang.

Bilang ganti,

Di ako sasali sa sirkus ng mga trapong magugulang

Hindi ko gugutumin at papakainin ng bala ang aking kapwa nilalang

Gagamitin ko sa pag-uyam ng mapang-matang sistema ang aking pinag-aralan

At sisikapin kong maging isang tunay na tao, hindi Pilipino

Sa isip , sa salita , at sa gawa.

 

 

Anonimong Liham kay Isabelo Delos Reyes, 1899

 

Mahal na kaibigang Beloy,

 

Tapos na raw ang gyera!

Natalo tayo.

Kaibigan, alam kong masakit ito sa puso mo.

 

Matapos ang ilang taon mo sa impyerno ng Montjuich,

Nabago na ang laro,

Iba na ang manlulupig.

 

Ang mga pagpapasabog  sa Geneva,

Santa Agueda, Barcelona, at iba pa,

Nabale-wala, pati ang pakikibaka ng Cuba.

 

Ang buhay na isinakripisyo ng iba’t ibang rebolusyon,

Nasayang

Dahil kalaban pala’y nasa Washington.

 

Sabwatan ng dalawang kolonisador na madaya,

Ay premyadong ipinalabas

Sa baybay ng Maynila

 

Beloy, huwag hayaang mahulog sa kawalan,

Ang mga dinukot na laman,

Pinutol o hinilang mga daliri’t

Mga hinati sa gitnang mga titi.

 

Dahil ang iyong mga kasabayan

Ay hindi pa sumusuko sa laban.

 

Pagbalik mo sa bayang minumutya,

Pagagapangin mo ang UOD,

Tatabihan nito ang kolonisador sa kanilang pagtulog.

 

Pagkilos na tatagal ng ilang dekada mula noon,

Mag-iiwan ng bakas  lumipas man ang daang-taon.

 

Dahil hindi ka naniniwalang tapos na ang gyera,

Na ang lipi mo, Isabelo,

Ay natalo na.

 

 

ANARKIYA.

-John Henry Mckay

Salin ni Taks Barbin

 

Laging kinasusuklaman, isinusumpa, di kailan man naunawaan,

Ikaw ang pinangingilagang takot ng aming panahon,

“ Pagkawasak ng lahat ng kaayusan,” sigaw ng marami,

“ Ikaw nga, at digmaan at ang walang katapusang galit ng pagpatay,”

O, hayaan mo silang sumigaw. Sa kanila hindi iyan sumadya

Ang katotohanang nasa likod ng salitang hahanapin,

Sa kanila, ang tamang kahulugan ng salita ay hindi naibigay.

Mananatili silang bulag sa piling ng mga bulag.

Pero ikaw, o salita, napakalinaw, napakalakas, napakadalisay,

Ikaw na tinutukoy ng lahat na bilang adhikain ay pinili ko.

Ibibigay kita sa hinaharap! Sa’yo ang kasiguruhan

Kapag kahit man lang ang bawat isa ay nagising sa sarili.

Darating ba sa sikat ng araw? O sa panggigigil ng bagyo?

Di ko masasabi—pero iyon ay makikita ng mundo!

Isa akong Anarkista! At mula doon ako ay

Hindi maghahari,  at hindi rin paghaharian.

 

 

-TAKS BARBIN

 

May, 2016

 

Awtonomistang Pagbasa sa Pelikulang Dog Day Afternoon

Dog Day Afternoon

 

Tungkol ang pelikulang Dog Day Afternoon sa pangho-holdap sa isang bangko sa New York. Naka-set ito sa dekada 70 kung kailang hindi pa bantay-sarado ng mga gwardiya ang mga bangko. Pinasok ng tatlong lalaki ang isang bangko. Ang isa sa kanila, ilang minuto pa lang pagkalipas nilang  ideklara ang holdap , ay nabahag ang buntot, kaya pinauwi na lang ni Sonny (Al Pacino) na siya namang lumilitaw na utak ng operasyon.

Sa simula ay nakakaaliw ang takbo ng istorya at mga dayalogo. Halata kasing unang beses nilang gagawin ang operasyon. Kabado nilang inilabas ang isang riple at isang sub-machine gun. Bagama’t kabisado ni Sonny ang palakaran sa mga bangko (mga alarma at mga pekeng perang inilalaan sa  mga holdaper), nakatatawang hindi niya alam ang oras kung kailan kinukuha sa bangko ang lahat ng pera. Kaya, ang sumalubong sa kanila ay isang vault na walang laman.

May dignidad rin ang mga holdaper na ito. Wala silang sinaktan ni isang hostage. Napurnada lang ang lahat nang biglang mayroon nang mga pulis na naghihintay sa kanila sa labas. Na napag-alaman lang nila nang tumawag ang mga ito sa telepono at hinahanap si Sonny. Hindi nila nalaman kung sino ang nagtimbre sa mga ito sa nangyayaring holdapan.

Naging malaking balita ang holdapan. Kumalat ito sa tv. Sa yugtong ito,nagdemanda na si Sonny sa pulisya ng sasakyan at eroplano o helicopter para makatakas  sila. Sa buong pelikula, nakikita ang malasakit ni Sonny sa kasamang si Sal na pinangakuan niyang “makalalabas nang walang sabit o makalalabas lang nang patay”.

Nagkaroon si Sonny ng mga taga-suporta dahil matapang niyang hinaharap ang mga pulis. Hindi naman magawang magpaputok ng mga pulis dahil nga nasa loob pa si Sal kasama ang mga hostage. May eksena kung saan pasigaw na inuutusan ni Sonny ang mga pulis  na ibaba ang kanilang baril . Dito nagkaroon ng suporta si Sonny. Nagpa-agaw din siya ng pera sa labas ng bangko na ikinatuwa ng mga tao.

Lalo pang lumaki ang isyu nang ipatawag ni Sonny ang kanyang “asawa”. Nalaman kalaunan na hindi ang naunang asawa ni Sonny ang tinutukoy niya, kundi ang isang lalaki rin na pinakasalan niya. Sa balitang ito lumabas ang mga taga-suporta ni Sonny mula sa Gay community ng lugar. Hindi naman matanggap ni Sal  na tinawag din siyang bakla sa mga balita sa tv at radyo na narinig nila.

Makikita sa parteng ito ng pelikula kung paano palakihin at gawing pyesta ng media ang nasabing pangyayari. Tinawagan ng isang host si Sonny at live na in-interview. Binaba lang ng host ang telepono nang tanungin niya si Sonny kung bakit niya ito ginagawa. Sumagot si Sonny sa pamamagitan ng isa ring tanong na magkano ang sinusweldo ng naturang host. Doon na ibinaba ng host ang linya at pinutol ang broadcast.

Nabago ang pakiramdam ng istorya nang pumalit ang isang FBI agent bilang negosyador. Halatang matinik ang ahente at inililinaw kay Sonny na hindi matutuloy ang negosasyon kung hindi malinaw ang mga termino. Sa huli ay pinapasok ni Sonny ang ahente at nagkasundo sila. Nangako ang ahente na ibibigay ang mga hinihiling ni Sonny.

At nabigay nga  ang kotse , pero nahalata ni Sonny na pulis ang itinalagang driver ng sasakyan, na ikinagalit ulit niya.  Hinila niya ang isang pulis na may mas mataas na ranggo para maging taga-maneho. Pagkasakay nila kasama ang mga hostage ay dumiretso sila sa airport habang  sinasabayan ng mga kotse ng pulis. Sa daan ay nakita ni Sonny ang kapwa mga taga-suporta niya at tagalibak. Nakampante sila nang makita ang jet na maghahatid daw sa kanila sa labas ng Amerika. Sa kanilang pagkatuwa ay inisahan naman sila ng mga FBI agents. Hinawakan ng isa ang baril ni Sonny at ang isa naman ay pinaputukan si Sal sa ulo. Nahuli si Sonny, namatay si Sal. Ang mga hostage na pinakitunguhan nila nang maayos ay masyado nang  masaya sa pagkakalaya para alalahanin pa sila.

Nakulong si Sonny nang dalawampung taon dahil nakalimutan niyang tuso ang awtoridad. Na hindi dapat sila pinagkakatiwalaan. Mangako man sila ay nakikita nilang pwede itong hindi tuparan dahil sila ang nasa otoridad at gagawa ng mga ulat pagkatapos ng pangta-traydor. Nakalimutang niyang hindi dapat pagkatiwalaan ang moralidad ng mga nasa awtoridad ( na siya ring pagkakamali ni Ned Stark sa Game of Thrones). Dahil ang otoridad na nila ang nagtatakda kung ano ang moral, at hindi ang moralidad ang tungtungan ng kanilang awtoridad. Na gagawin nila ang lahat para manatili sa posisyon ng “tama” gaano man kamali ang paraan papunta doon. Ang mga buhay at nasa posisyon ang kumakatha ng kasaysayan, hindi ang mga napatay at nasa piitan.

 

Sa Rebolusyon ng Masa na Inakay ni Bonifacio

 

 

Sinusulat ko ito nang may paghanga sa isang librong nakuha ko mula sa mga ipinagbibili ng National Museum. May pamagat itong Bonifacio’s Unfinished Revolution  ni Alejo L. Villanueva. Hindi ko inaasahan nung una na mapukaw ng librong ito. Sa nipis ba naman nito ay  parang napakahinahon  ng nilalaman nito, dagdag pa na nakuha ko ito sa isang ahensya ng gobyerno. Ganunpaman, hindi ko pa natatapos basahin ang libro ay hindi ko na mapigilang magbigay ng komentaryo sa mga nabasa ko rito.

Maaaring tuligsain ang librong ito sa kakulangan ng datos at detalye ukol sa kasaysayan. Di kasing detalyado ng mga libro ngayon gaya ng Under Three Flags ni Benedict Anderson. Pero kaintindi-intindi naman ito dahil unang nalathala ang librong ito noong 1989, noong di pa uso ang Google at WikiLeaks, at noong  wala pang mga library sa Internet na naglalaman na ng halos tungkol sa lahat ng bagay. Isa pa, may talinhaga sa mga pahayag ng may-akda na ibinunsod  marahil sa kanyang pag-aaral ng Pilosopiya.

Isang dilema ang nagtulak sa akin na magsulat. Nagkakwentuhan kami noon ng isa kong kaibigan tungkol sa kasaysayan ng ating rebolusyon. Iniisip namin kung bakit hindi sumuporta sa rebolusyon si Rizal gayong isa siya sa mga tinitingala ng mga nagpundar nito. Katunayan, ginagamit pang password o koda ang pangalan ni Rizal sa Katipunan, ayon na din  sa Memoria ni Isabelo Delos Reyes. Nagtapos ang usapan namin sa suhestyon ng aking kaibigan na ,marahil , alam ni Rizal  na hindi handa ang mga mamamayan para sa isang rebolusyon, hindi handa sa aspetong istratehikal at pagiging matapat at dalisay ng hangarin ng mga kasapi. Patunay rito ang pagkakabunyag kalaunan ng isang katipunero, si Teodoro Patino, ng mga malalalim na sikreto ng Katipunan sa mga prayle at Guardia Civil.  Isama pa ang mga kabiguan ni Bonifacio sa mga labanan. Hindi ako nakasagot.

Pero nang basahin ko ang ika-anim na bahagi ng nabanggit na libro na may pamagat na  A Time To Bear Arms, nalinaw sa akin ang maraming bagay. Una, na hindi lang basta tumanggi si Rizal sa pagsuporta sa Rebolusyon ng mga proletaryo. Bagkus  sumulat pa siya, matapos ang pag-uusap nila Dr. Pio Valenzuela at maibalik siya sa Fort Santiago mula Dapitan, ng isang pampublikong dokumento na nagkukundena sa rebolusyon:

“I cannot but condemn, and I do condemn this absurd, savage uprising behind my back, which dishonors us, the Filipinos, and discredits those who advocate our cause. I abhor its criminal methods and disclaim all participation there-in…”

Maaari nating intindihin na kaya ito isinulat ni Rizal ay para linisin ang kanyang pangalan at ilinaw na wala siyang parte sa pagbubuo ng Katipunan ( gaya ng ginawa ni Isabelo Delos Reyes nang makulong siya sa Montuich sa Barcelona, na di hamak na mas pinahirapan kaysa kay Rizal) . Kung tutuusin, marami din ang mawawala kay Rizal kung madawit  siya sa rebolusyon: mga pag-aari, may doctorate siya, at mga babae.

Naiintindihan ko din, at ng awtor, kung bakit tinawag ni Rizal na kriminal ang rebolusyon. Natural iyon dahil ang mga rebolusyon ay lumalagpas sa moralidad na itinakda na batas ng mga nang-aapi.  Ang mga rebolusyon ay ginawa para wasakin ang mapang-aping  law and order na itinakda ng mga nang-aalipin sa kanilang mga inaalipin. Ang sabi pa ng awtor: “ There is no covenant between the tyrrant and the slave in the event of moral confrontation.” Patama din ito sa mga repormistang ilustrado (na alam nating mga may-kaya sa buhay at nakapag-aral pa sa Europa) na nanlilimos ng  respeto sa mga kolonisador. Gusto ding ipaalala ng awtor na kahit si Bonifacio ay nanalig din sa La Liga Filipina na sinimulan ni Rizal, na may kalikasang  repormista at hindi madugo. At, na binuo ni Bonifacio ang Katipunan  nang mapagtantong walang pinatunguhan ang ganitong paraan ng pagbabago.

Ang hindi ko matanggap ay nang ilarawan ni Rizal ang kilusang ito (na ang hangad ay ibalik ang dangal ng mga inapi)  bilang “dishonorable”; nang  tawagin niyang  “absurd” ang kilusang nais tapusin (hindi bawasan) ang pang-aabuso, pang-aalipin, panggagahasa at pangwawalang-hiya sa ating lahi ng mga kolonisador. Maaari sana siyang manahimik na lang o pigilan ang sarili na sumuporta sa nasabing rebolusyon, bagkus ay niyurakan pa niya ang dakilang hangarin nito.

Marami ang nagsasabing hilaw ang pagkakabuo ng rebolusyong sinimulan ni Bonifacio. Pero kailan ito magiging hinog? Isa ang sigurado, kahit kailan ay hindi ito mahihinog kung ang mga tao ay natatakot simulan ito. At ito ang nagawa, kalungkut-lungkot man, ng pahayag ni Rizal. Hindi pa nga nasisimulan ay sumusuko na. Hindi pa nga ginagawa ay nahihirapan na. “Too much analysis creates paralysis,” dagdag ng awtor.

Kung tutuusin, at ayon na din kay Anderson, napa-akma ng mga panahong iyon para simulan ang rebolusyon. Ang mga anarkista at komunista sa Cuba ay naglunsad na ng gyera laban sa Espanya, kaya nahati ang kanilang pwersa dito at sa Cuba (kung saan piniling maglingkod ni Rizal sa hanay ng mga mananakop). Aabutin din ng ilang buwan o taon para makapagpadala ang Espanya ng karagdagang pwersa sa Pilipinas. Nag-aalok din noon ng  tulong sa ating rebolusyon ang bansang Hapon. Noong mga panahong iyon ay binabalya din  ng Amerika ang  Espanya. Dagdag pa, nagkakagulo sa buong Europa dahil sa kaliwa’t kanang pagpapasabog at asasinasyon sa mga mapang-aliping mga ulo  at pasimuno ng iba’t ibang monarkiya at pananakop. Lahat ng ito, nababalitaan nina Bonifacio at Rizal pero nagkaroon sila ng magkasalungat na reaksyon.

Si Bonifacio ay nagtayo ng isang sikretong kapatiran na humantong sa isang rebolusyonaryong pamahalaan. Di man ako buong pusong sumusuporta sa mga gobyerno, sa tingin ko’y kahanga-hanga pa din ang ginawa ni Bonifacio. Kahit pa mahina sa labanan ang pwersa niya.Tinataya ng awtor na nahinog sa pilit ang kapatiran para maging militar na pwersa.  Kahit si Pramoedya Ananta Toer ng Indonesia , na ilang beses nakulong at ipinatapon dahil sa subersibong panulat niya ukol  sa pamamalakad ni Suharto at Soekarno, ay humanga sa unang republikang ito na sinimulan ni Bonifacio.

 

Nakaligtaan lamang ni Supremo na may mga maaari pa ding mag-traydor sa kanya at sa rebolusyon mula sa sariling hanay sa persona ni Aguinaldo.  Nakunan ang ipinagbubuntis na hustisya, ayon sa awtor. Pero mas gugstuhin kong ilarawan ang pagtatayo ni Aguinaldo, kasama ng ilang negosyante at  ilustrado sa Cavite, ng bagong rebolusyonaryong pamahalaan bilang pangha-hi-jack  o pang-aagaw. Malinaw na hindi kinasangguni ang iba pang lupon ng Katipunan sa ibang probinsya ukol dito, kaya naman madali sanang napasubalian ang pagkakatatag nitong bagong “rebolusyonaryong” pamahaalaan na pamumunuan niya. Ito nga ang sinubukang gawin ni Supremo Bonifacio subalit sa maling lugar. Inakusahan siya ng pagtataksil sa pamahalaang hindi naman napagtibay ng kalakhan ng Katipunan,  na masasabi nating walang bisa kung wala lang sila sa Cavite. Ang tangkang ito na ibalik sa mga proletaryo ang rebolusyong inagaw ng mga ilustrado ang nagbubunsod ng pagpapahirap at pagpatay kay Bonifacio kasama ang dalawa niyang kapatid, at sa pagkakagahasa sa kanyang asawang si Gregoria De Jesus ng mga sundalo ni Aguinaldo.

Sa huli, nang masukol si Aguinaldo sa Montalban Rizal ay nakipagkasundo siya sa mga Espanyol.  Hindi na kagulat-gulat mula sa isang dating kapitan-munsipal sa ilalim ng Espanya at mga kasama niyang ilustrado. Ang separatisitang mga tunguhin ng Katipunan ay nauwi sa reporma. Sa kasunduang ito sa Biak-na-Bato, ni wala man lamang nabanggit tungkol sa Kasarinlan na siyang dahilan ng pagbubuklod ng mga kasapi ng Katipunan. May nagsasabing ibinili daw ni Aguinaldo ng mga armas sa Hongkong ang nasabing perang ibinayad pero hindi ito sapat na dahilan para itaas muli ang moral ng mga nagsakripisyo para sa rebolusyon. Malinaw na ang rebolusyon ng mga mahihirap ay inagaw at ibinenta ng mga nakapag-aral.

Samantala, si Rizal ay binaril pa din ng mga taong akala niya’y magpapatawad sa kanya. Iyan ang isa pang bagay na absurdo at kabalintunaan.

Absurdo na ang mga tinitingala nating mga personalidad magpasa-hanggang ngayon ay iyong mga ayaw lumaban, pasipista, kumprador o piniling maging kasabwat ng mga nang-aapi’t nang-aabuso. Absurdo din na ang pangalan pa din ng bansa ay mula sa pangalan ng isang haring baliw at isang mananakop, na di kailanman nakatapak sa ating arkipelago. Hindi na din tuloy nakagugulat na itinakda ng mga Amerikano bilang pambansang bayani natin si Rizal at hindi itinuring na presidente si Bonifacio. Dahil natalo ang ating rebolusyon. At ang mga nanalo, hindi ang mga natatalo, ang nagsusulat ng kasaysayan at nagsasabi kung sino ang dakila.

Yung mga katulad nina Bonifacio, Tamblot, Sacay, Makliing Dulag, at iba pa ay walang puwang sa ating ala-ala.

 

 

Taks Barbin

Safehouse Infoshop

Mayo 18, 2016

Election vs. Self-determination

Election vs. Self-determination

Ilang Kuru-kuro sa Parating at Napakaraming Nang Nagdaan na Eleksyon

 

 

Narito na naman tayo sa yugto kung kailan kailangan na raw na pumili ng mga taong magrerepresenta sa atin sa gobyerno. Nagkalat ang mga mukha at pangalan ng mga tumatakbo kandidato sa kalye. Sunud-sunod ang mga testimonya ng mga bayarang artista sa radyo at tv, sa kung gaano kabait , o katalino ang kanilang kandidato.  Tinanggap na rin ng mga tao na araw-araw silang mata-trapik dahil sa kaliwa’t kanang konstruksiyong iniyayabang ng mga pulitiko, mga proyektong imposibleng di mapansin dahil sa ilang oras ang ibinabawas sa ating mga buhay. Eleksyon na nga.

 

Ano nga ba eleksyon? Ano nga ba ang nakukuha natin dito  at parang pyesta kung makilahok tayo dito?

 

Representational vs. Direct Democracy

Sa isang Representasyunal na Demokrasya gaya ng sa Pilipinas, isang beses lang na binibigyang pagkakataaon ang mga tao na magdesisyon. At iyon nga ang eleksyon. Pinapipili tayo ng mga taong hindi natin kilala at hindi tayo kilala, para kumatawan sa ating mga aspirasyon at pangarap. Dun sa mga mas mahahalagang bagay na kailangang desisyunan ng bansa, sila na ang bahala. Tayong mga bumoto, wala nang pwedeng iangal sakaling ang ibinoto nating pulitiko ay taliwas pala ang gusto kaysa sa gusto natin. Ngayon maaari na nga tayong mag-ingay sa mundo ng social media pero itinuturing pa rin itong impormal at hindi sapat na batayan ng pampamahalaang desisyon. Mas itinuturing na opisyal pa rin ang mga estadistika ng pamahalaan natin at ng mga internasyunal na ahensya.

 

Kung sabihin ng mga ahensya sa media na mas maunlad ang Pilipinas ngayon, iyon ang tatanggaping batayan ng mga desisyon. Kung sabihin nilang wala nang nagaganap na pagpapahirap sa mga nasa kanayunan,na walang epekto ang pagbabago ng klima sa ating ekonomiya, na wala nang nagaganap na pulitikal na pagpatay, makapaglalabas din ang mga ahensya ng kaukulang estadistika na sasang-ayon sa mga ito.

 

Isang beses lang tayong pwedeng pumili, pwedeng magdesisyon para sa ating mga sarili. Kaya siguro hindi natin pinalalagpas ang pagkakataong ito para makilahok. Halimbawa nung nagdesisyon ang gobyerno na patawan tayo ng 12 porsyentong buwis sa pagbili, pagkain, pagbyahe, pagligo, paggamit ng kuryente, hindi tayo naitanong kung ayos lang sa atin ito. Hindi nila tayo isinangguni  nang kamakailan ay  pagdesisyunan nilang aprubahan ang pagtayo ng 40 pang coal-powerplant na sumisira sa hangin, tubig, lupa at baga ng mga tao sa paligid ng planta. Gayong pera nating lahat ang ginagastos sa lahat nang ito. Lalong hindi rin nila itinanong sa atin kung ayos lang ba na umutang sila ng bilyun-bilyong dolyar na tayo rin pala ang magbabayad, na babayaran pa din ng mga kaapu-apohan natin.

 

Sa ilang pagkakataon, gingawang kahingian ang konsultasyon sa mga komunidad sa paglunsad ng mga proyekto ng gobyerno, pero wala pa yatang isang porsyento ang sinasanggunian nila ng total na bilang mga taong maapektuhan. Kadalasan pa, hindi alam ng mga taong ito na sinasanggunian na pala sila. Halimbawa, sa isang “konsultasyon” sa isang isla sa Cebu sa pagtatalaga sa isang malaking bahagi ng isla para gawing “Protected Area”. Nagpatawag ang DENR ng isang pulong kasama ang mga mamamayan. Pinakain sila, binigyan ng allowance sa transportasyon, kinuhahan ng litrato, saka inilatag sa kanila ang plano pero hindi tinanong kung sang-ayon ba sila dito. Pagkalipas ng ilang buwan, lumabas sa ulat ng DENR na sumang-ayon ang mga tao sa plano, suportado ng mga larawan at atttendance ng mga tao. Paglaon na lang nalaman ng mga mamamayan  na hindi na pala sila pwedeng maghanap-buhay sa lugar na itatalagang PA.

 

Kumpara sa isang Direktang Demokrasya kung saan ang mga lahat ng tao ay kasama sa desisyon sa lahat ng pagkakataon (sa isang asembleya o sa panahon ngayon, maaaring ikonsidera ang espasyo ng internet), maliit ang tsansang marining ang saloobin ng mga tao sa isang Representasyunal na Demokrasya. Pumipili ng mga taong kakatawan sa kanila , na kalaunan ay nagiging elite (kung di man sila elite noon pa), na pahirapang malapitan sa panahong tapos na ang eleksyon.

 

Sa kalaunan, nagiging taga-pagdesisyon ng mamamayan ang napiling mga pulitiko. Pulitiko na ang nagdedesisyon sa atin kahit hindi naman gaanong naiintindihan ng mga nasa pwesto ang saloobin ng mga mamamayan.Kinontra ito ng isang kaibigan ko na nagsabing, kung talagang representante ang mga pulitiko ng mga tao, dapat ay inire-report lang ng representante ang napagkasunduan ng mga tao. Hindi yung pulitiko na ang magdedesisyon ng mabuti para sa mga tao. Sa huli, ang representasyon ay nagtanggal na kapangyarihan sa mga tao. Disempowerment ang nagaganap.

 

 

Sa totoo lang, optimistiko ako sa pagsasabing kaya siguro hindi pinalalagpas ng mga tao ang pagkakataong ito sa pagsali sa eleksyon ay para makalahok man lang sa panlipunang desisyon kahit isang beses lang. Nasa premiso iyon na may pakialam pa rin ang mga tao sa kanyang lipunan. Marami kasing tao na kaya lang rin sumusuporta sa mga kandidato ay dahil sa may kita dito. Bukod pa sa katotohanang kapag nanalo ang kanilang manok, tiyak na may pwesto rin sila sa opisina nito. Sa makatuwid, may pagkakataon silang maging susunod na elite, o magiging susunod na taga-katkong sa pera ng mamamayan. Matalinong hakbang para sa indibidwal na kariwasaan, pero maituturing kong halang, kasuklam-suklam at mapanlinlang. Kung pipili man ako ng isang lider, gugustuhin ko na yung lider na iniisip ang kapakanan ng lahat, maging kalaban man o hindi. Hindi ng lider na ipagpapatuloy lang ang sistema ng paghahari-harian ng iilan.

 

 

Ang Problema ng Majority Rule

Kung isipin, ang Majority rule ay nakapagdi-disempower din ng minorya. Kung matalo ang kandidatong pinili, kailangang tanggapin na lang ng mga bumoto sa natalo ang desisyon nang nakararami. Kailangang isang-tabi ang kanilang saloobin.  Kung sa sabagay, gaya sa isang sugal, tumaya sila at natalo, kailangang magbigay sa nanalo. Ang masaklap lang, kahit yung mga hindi lumahok ay kailangan lunukin ang mga batas na ilulunsad ng nanalong kandidato. Kung baga sa sugal pa rin, hindi ka tumaya pero kailangan mong magbayad, magbayad sa porma ng buwis at pagsunod pa rin sa mga ihahaing batas ng nanalo.

 

Magandang ihalimbawa ang mga katutubong komunidad na kadalasang hindi lumalahok sa eleksyon, o kung lumahok man ay minimal lang ang partisipasyon.  Kahit hindi sila bumoto ay kailangan nilang sumunod sa desisyon ng mga nananalo. Kung sabihihin ng mga nasa pwesto na na babawiin ng gobyerno ang lupang inalagaan ng lahi  nila nang ilang siglo, kailangan nilang sumunod o dadaanin sila sa dahas. Gayong wala naman sila ganitong kasunduan sa gobyerno. Papatawan pa rin sila ng buwis sa tuwing bibili ng mga bagay mula sa bayan. Lahat ng ito, walang consent mula sa kanila pero kailangan nilang sundin. Salamat sa mga bumoto.

 

Kahawig ito nung nangyari sa mga katutubo nang ibenta ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika sa Treaty of Paris noong bago pumasok ang ika-dalampung siglo. Kahit ang mga komunidad na hindi naman nasakop ng mga Espanyol, gaya ng mga Moro, mga katutubong nasa bundok at dagat ay pag-aari na pala ng Amerika nang hindi nila alam.

 

Isa pang halimbawa ay ang ilang kaibigan ko mula sa Davao. Hindi nila ibinoto ang nakapwestong mayor  pero nang magkaroon ng cleansing sa area bago mag-Kadayawan, kasama sila sa mga ginulpi at nakaranas ng public humiliation. Dahil sila ay mukhang mga punks, ginulpi sila kasabay ng iba pang tambay sa park. “Nadisiplina” sila ng mga taong nakaitim, armado ng mga M16 at naka-bonnet. Kasama sila sa naparusahan kahit wala naman silang allegiance  sa tinatawag na lider at sa sistema nitong wala naman silang pag-sang-ayon.

 

 

Dahas ng Eleksyon

Kakatwa ding isipin na handang makipag-away ang mga supporter ng isang pulitiko para lang ipagtanggol ang kanilang kandidato. Handa din silang manirang-puri para pababain ang kredibilidad ng kalaban. Tapos na yata talaga ang panahon ng mga totoong Kristyano na itinuturing na kasalanan ang paninira at pag-aangat sa sarili.

 

May mga pagkakataon pang ang mga magkakaibigan ay nagbabangayan , o kung minsan mas matinidi, nag-uupakan at nagsasaksakan dahil sa pulitika. Gayong hindi naman nila kilala nang personal ang mga sinusuportahang kandidato. At marahil, hindi rin sila makilala ng mga pulitikong ito kahit magpatayan pa sila. Naipagpapalit minsan ang malalim na pagkakaibigan dahil sa pulitika na minsan lang nila maramdaman ang ginhawang pangako. Tila mas hinahati ng eleksyon ang mga mamamayan imbes na pag-isahin.

 

Isunod na natin sa diskusyong ito ang dahas na nanggagaling sa mga kandidato mismo. Hindi na bago ang mga balita tungkol sa mga election-related violence, lalo sa probinsyal na lebel. Sa halos lahat ng probinsyang napuntahan ko ay may kanya-kanyang bersyon ng ganitong kwento. Pinapatay  o tinatakot ang mga gustong kalabanin ang mga nasa pwesto. Dahil ang mga “nasa kapangyarihan”  ay may pera at mga goons, napagpapatuloy ang paghahari ng isang angkan na kung tawagin ay politikal na dinasitya.

 

Banggitin na din natin ang sitwaston sa mga lugar na may gyera. Paano magiging malaya ang pagpili ng mga tao kung sa araw-araw ay nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng bala. Satirikal na ipinakita ito sa eksena sa huling bahagi ng pelikulang The Dictator, kung saan nagkaroon nga ng kalayaang bumoto ang mga tao pero napilitan pa rin silang iboto ang dating diktador nang may dumating na tangkeng akmang sasagasa sa kanila.

 

 

Kawalang Kredibilidad ng Eleksyon

May karapatan ngang bumoto ang lahat. Pero hindi lahat ay matalino kung bumoto.

 

Napakadaling impluwensyahan ng mga tao sa iboboto. Tadtarin lang sila ng ads habang nanonood ng paborito nilang noontime show ay imposible ka na nilang makalimutan sa eleksyon. Para mas matindi ang pang-iimpluwensya, i-hire lang ang paborito nilang artista. At syempre, kung artista mismo ang kandidato, malakas ang tsansang manalo.

 

Kung sanay na rin ang mga tao sa pamamalakad  ng isang pulitiko, malaki rin ang tsansang hindi na siya palitan. Sanayan lang.

 

Kwento ni Plato sa The Republic, nakapila siya para bumoto nang may marinig siyang nag-uusap tungkol sa pagpili nila ng iboboto. Ang isa ay boboto lang dahil kakilala ang kandidato, dahil kamag-anak, dahil gwapo o maganda, o dahil ayaw nang masyadong pag-isipan ang  pagboto. Naiisip niya, kahit pinaglimian  niya nang matagal ang boto niya ay katumbas lang rin pala ito ng mga botong hindi naman pinag-isipan maigi. Napagtanto niya na hindi angkop ang proseso ng eleksyon para mapili ang angkop na kandidato para sa posisyon.

 

Dagdag pa sa modus ng mga kandidato, isinasali na rin nila sa kanilang campaign team ang maraming tao. May makinarya na sila para sa kampanya, halos sigurado pang iboboto sila ng mga binayaran nilang taga-kampanya at  poll watchers. Hindi nga lantad na binibili ang boto pero parang ganun na rin.

 

Huwag na nating pag-ibayuhan pa ang kwento sa iba’t-ibang klase ng pandaraya, gaya nga ng vote-buying, balot-snatching at pagsusuhol sa mga opisyal ng eleksyon. Dahil automated na rin ang eleksyon, nandyan din ang badya ng pandaraya sa tulong ng mga magagaling na hackers na alam kong marami sa Pilipinas. Kung makita man ang ganitong pandaraya, inaabot nang ilang buwan o taon para patunayan ang mga ito. Kumbaga, nasa pwesto na yung nandaya bago pa mapasubalian.

 

905745_855838884529571_3369530879951342455_o

 

Non-Participation

Nais kong gamitin ang sinabi ni

sa kanyang diskusyon tungkol sa konsumerismo at kunwaring variety na maaari ring ilapat sa pagpili ng kandidato:

“ We can choose from brand A, to brand B , to brand C. And that’s just about it for freedom.”  Maaari tayong mamimili pero ang mga pagpipilian ay naihain na. Napagpilian na sila ng mga partido o ng komisyon sa eleksyon. Ang resulta, ang kalayaan natin ay nalilimita sa pagpili sa kung sino ang lesser evil. Para tayong pinapipili kung gusto ba natin ng panis na chicken o panis spaghetti.

 

Hindi na tuloy nakakagugulat na ang ilang kolektiba   mula sa iba’t ibang lugar na may pagkiling sa  Anarkismo ay nananawagan ng isang boycott. Isang aksyon na napatunayan na ang lakas laban sa gobyerno at mga korporasyong humahawak sa buhay ng mga tao. Sa tingin nila, kabilang ako, na mas may kalayaan sa ganitong proposisyon. Imbes na pumili sa mga kandidato, bakit di muna pag-isipan kung akma ba ang sistema ng pagpili mismo. Sino ba ang nagdesisyon para sa atin na ganito ang gawing proseso?

 

Totoong walang gaanong maaabot sa pag-abstain lang dahil karamihan ay boboto pa din. Ngunit isa itong simbolismo, isang pagpapahayag  na hindi natin ipauubaya sa iilan ang ating mga pangarap. Dahil unang-una, wala silang paki-alam sa atin, makikita ito sa kawalang pagbabago sa sitwasyon ng mga maralita kahit ilang beses nang nagka-eleksyon. Sabi pa ni Bryan Paler na isang Christian-Anarchist sa librong BOBOto Ba Ako? , “Mapapansain nating sa pagdaan ng panahon, walang ibang ginawa ang mga tao sa Senado kundi ang mag-away, isulong ang personal na interes, sikaping manatili sa posisyon, at kung anu-ano pa na hindi nakapagpapa-angat sa kalagayan ng sambayanan.” Maiintindihan ito kung isasa-isip na hindi alam ng mga pulitiko  ang kalagayan natin: hindi nila kinakain ang mga kinakain natin, hindi sila nata-trapik nang ilang oras gaya nang nararanasan natin, hindi nila nilalakaran ang madidilim na kalsadang nilalakaran natin, hindi sila nakakaranas ng kontraktwalisasyon at sobrang pagtratrabaho, hindi nila nararanasang maagawan ng lupa dahil minsan  sila mismo ang nang-aagaw ng lupa. Pero binabayaran  natin sila para katawanin tayo, kahit hindi nila tayo kilala?

 

Ang hindi paglahok sa eleksyon ay simula lang ng pagbabago ng kaisipan. Kaisipang nagsasabing ang pagbabagong gusto natin ay hindi sa kanila manggagaling. Ang eleksyon ay isang kumpirmasyon ng pagsang-ayon sa dekadenteng sistemang nararanasan natin. Isang pagpapaubaya ng buhay at desisyon natin sa mga pulitiko. Isang apirmasyon sa pagsesentralisa ng kapangyarihan. May mga nagsasabing kung di ka bumoto ay wala kang karapatang magreklamo. Pero para sa akin, mas walang karapatang umangal ang mga nagsiboto dahil sila ang naglagay sa mga nangungurakot at pulpol na pulitiko sa kapangyarihan. Sinabi ni Foucoult na ang kapangyarihan ay nasa lahat, pero ibinibigay natin ito  sa kanila, o hinahayaan nating angkinin nila ito, kaya may mga power-strucures at institusyon. Gaya na lang ng surplus o ng sobra sa ating mga paggawa o work, at oras, na nagma-materialize bilang  profit ng mga nangangapital.

 

“Be the change you want to see in the world”, madalas ko itong nakikita sa isang pader na nilalakaran ko noon. Walang ibang magsusulong ng ating gusto kundi tayo mismo. Kaya naman hindi matatapos sa hindi pagboto ang hinahangad na pagbabago. Maitutuloy ito sa paglahok nang direkta sa mga desisyon sa lokal at nasyunal na lebel. Kung ayaw natin ng mahal na kuryente, maghanap ng alternatibong panggagalingan nito gaya ng paggamit ng solar-panels, hydro-electricity at iba pa. Kung ayaw ng mahal na pagkain, bakit hindi magpatubo nang sarili o sumuporta sa mga ito (food sovereignity). Kung ayaw natin ng trapik, bakit hindi magbisikleta, mag-hitch hike, o mag-carpool. Kung gusto natin ng pagkakapantay-pantay sa sekswalidad, lahi, at uri, bakit iaasa ang pagsusulong ng mga ito sa gobyerno. Alam kong hindi ito madali dahil binubura ng mga korporasyon at gobyerno ang mga opsyong ito sa ngalan daw ng convenience. Matatawag bang kaunlaran o kalayaan ang pagdepende sa kanila?

Convenience. Ito rin mismo ang iniaalok eleksyon. Sinasabi nilang nagawa mo na ang parte mo kapag bumoto ka na. Totoo ba?

 

Ano ang pumipigil sa iyo na gawin ang gusto mo? Oras, pera, skills, lakas-paggawa,  pagiging malay ng isip, lahat ng ito ay isinuko na natin sa sistemang umiiral. Pati ba naman ang  kakayahang magdesisyon ng kung ano ang mabuti sa iyo ay ipauubaya na rin sa kanila?

 

 

 

Safehouse Infoshop

May 5, 2016

 

 

 

 

Sanggunian:

 

The Republic, Plato

Debunking Democracy, Bob Black

BOBOto Ba Ako?, Rei Lemuel Crizaldo et.al

Discipline and Punish, Michel Foucoult

Surplus: Terrorized into Being Consumers, John Zerzan

Etniko Bandido Infoshop (Pasig)

Feral Crust Infoshop (Taguig)

Onsite Infoshop (Muntinlupa) onsiteinfoshop@wordpress.com

 

PAGNINILAY-NILAY SA MGA KATUTUBO SA MAYNILA

 

 

Noong pumutok ang balita tungkol sa mga katutubong lumad na pinaslang ng mga para-military, ang unang tanong ko sa sarili ay kung paano susuportahan ang mga naagrabyado. Sapat na ba ang pagrerepost ng mga artikulo sa internet? Ni hindi ko alam kung may magbabasa ba noon. Kailangan ba itong kumprontahin sa legal na paraan o hindi? Ano ang magagawa ng mga katulad nating malayo sa kanila pero araw-araw gumagamit ng mga bagay na produkto ng pagmimina sa lugar nila, na siya ring malamang na dahilan ng pagte-terrorize sa kanila.

Paano ako kikilos? Paano makapagbubunsod ng epektibong sagot?

Nagkaroon ng sagot dito ang mga nasa Kaliwa: dalhin ang mga katutubo sa Maynila, sa sentro ng kapangyarihan, ibandera sa mga nagtutulug-tulugang mamamayan ang mga isyu ng terorismong dulot ng gobyerno. Tinawag itong Manilakbayan.

Pitong-daang Lumad ang pumunta/dinala sa Maynila. Kung paano nakumbinsi at kinausap ang 700 ito, di ko na alam. Saan galing ang ipinamasahe nila, di ko na rin alam. Basta ang alam ko,”spectacular” ang karanasang ito, sa katutubo man o taga-syudad.

Tatlong beses na nagtanghal ang grupong kinabibilangan ko sa event na ito. Pero hindi ako sumama ni isang beses. Hindi dahil wala akong pakialam sa kanila, kundi dahil nag-a-agam-agam pa rin ako kung iyon ba ang tamang paraan ng pakikilahok at pagsuporta? Oo, tamang ipaalam sa madla ang kalagayan ng mga katutubo, pero gaano kalinaw sa mga katutubong ito ang papel nila sa nasabing event? “Patalsikin si P-noy” at “Imperyalista, Ibagsak” ang gusto nilang isigaw? Malinaw na edukasyon at lupa ang nais maseguro ng mga katutubo sa pagkilos na ito. Nagulat lang talaga ako na sumisigaw ang mga katutubo ng mga call (“Patalsikin si P-noy” at “Imperyalista, Ibagsak”) na bagama’t kaugnay ng sitwasyon nila,  ay tila masyadong lagpas na sa concern nila. Ayoko rin naman kay P-noy pero iyon nga ba ang solusyon? Gusto ko ding wasakin ang imperyalismo pero nung marinig ko ito mula sa isang katutubo, na-wirdohan ako. Kung tayong mga taga-syudad nga, ang turing natin sa mga terminong ito ay “big words”, paano pa kaya yung katutubo?

Hindi ko naman gustong sabihin na walang karapatang makiaalam ang mga katutubo sa malalaking isyu. Ang napansin ko lang ay tila nagmumula sa isang sentralisadong kaisipan ang sipat nila. Sa bawat pulitikal na tanong ay may nakahandang sagot ang mga tagapagsalitang katutubo. Na parang hindi na katutubo yung kausap mo kundi parang myembro ng propaganda movement ng kaliwa. Pareho ang terminong mga ginagamit, pareho ang tono ng pananalita.

Sa isang recorded interview, nasabi ng isang tagapagsalitang katutubo sa isang journalist na gusto nilang mabulabog at mapatalsik si P-noy. Nang umalis na ang journalist at paglipas ng ilang minutong pakikipagkwentuhan sa taong nagre-record, binawi niya ang sinabi. Hindi naman daw talaga nila layon na patalsikin si P-noy. Gusto lang nilang ipaabot sa kanya at sa mga tao ang tungkol sa pangangamkam ng lupa at pagpatay sa mga katutubo. Kaya sila nandito ngayon at nagtitiis na pakainin ng mga “pagkaing puro kemikal”.

Nung narinig ko iyon, naisip ko, tila mga binunot na mga puno ang kinahinatnan nila.

Nagre-research ako nang kaunti sa internet dahil gusto kong maging mas maalam sa sitwasyon. Kung titingnan sa Manila, tila malaki ang natutulong ng Kaliwa sa mga katutubo. Pero hindi ganoon ka-simple ang larawan. May mga katutubo na galit sa military, pero meron ding ayaw sa pamamalakad ng mga rebelde sa kabundukan. Hindi lang din isang beses nagkaroon ng girian ang mga ilang mga tribong Lumad at NPA. May isyu pa ng Lumad lider na pinatay noon (na ginagamit naman ng gobyerno ngayon bilang counter-propaganda).

Nagpauna ang ilang kaibigan at kadiskusyunan na magpahayag ng statement. Sinubukang ipakalat ang nasabing statement sa Manilakbayan sa UP. Nailang ang mga kasama ko dahil tila bantay sarado ng mga Kaliwa ang kilos ng mga Lumad. Noong kinakusap daw nila ang mga lumad ay sinusubaybayan sila ng dalawang Leftist. Masama ang tingin, syempre, sa mga kasama. Natural yon. Huwag na lang nating banggitin na may armas yung isang umaaligid. (Para na rin siguro sa siguridad nila at ng mga katutubo.)

Naibahagi ng kasama ang statement. Binasa ng isang datu at umalis. Bumalik siya humingi ng maraming kopya na iaabot daw sa iba pang lumad. Nagkakwentuhan. Hanggang tawagin ng isang organizer ang kausap na lumad dahil may interview pa daw ito. Hindi pinansin ng datu ang organizer dahil nga nakikpagkwentuhan ito.Naging mapilit ang organizer kaya sinabihan siya ng Datu, “Hindi mo ba nakikitang may kinakausap ako. Sa kultura namin, pambabastos kung hihilahin mo kami habang may kausap na iba”. Natuloy ang pagkwekwentuhan nila at hindi na tunuloy ang datu sa nasabing interview.

 

 

 

Narito ang buong tekstong nasabing statement:

 

Sa Lumad Kami Nagmula…

 

“Nawa’y kasihan ng ating mga Bathala ang mga Katutubong pamayanan na patuloy na tumututol  sa mapag-imbot na mga layunin ng korporasyon, pamahalaan at mga grupong nangungubli sa pangako ng kalayaan na ang layunin pala ay maghasik ng kontrol, magkamal ng kita at iabante ang kanilang mga pansariling pam-pulitikang agenda.

Sa gabay ng ating mga ninuno ….”

Ang napakarami at samu’t-saring kultura sa arkipelago ay sumasalamin sa masigla, makulay, maka-kalikasan, ispontanyo at malayang proseso ng pamumuhay na mga organikong komunidad.

Wala nang mas likas-kaya pa sa pamumuhay ng mga katutubo mula sa iba’-ibang pamayanan ng ekosistema ng ating kapuloan. Ang maka-kalikasang pamumuhay na may malalim na respeto sa kapwa-tao ay napakahalagang relasyon mga ng mga sinaunang komunidad na siyang nagsiguro na ang lipi ng tao ay aabot sa kasalukuyang panahon. Samakatuwid ay utang natin sa ating mga ninuno ang mga kaalaman, kasanayan at mga pag-uugali na siyang naging gabay natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Ang Monarkiya, Republika, at Simbahan ay mga institusyong halinhinang nagsamantala, pumuksa, nagnakaw at bumusabos sa mga katutubong komunidad sa arkipelago. Ang katawagang Pilipinas ay walang iba kundi simbolo ng pagyakap sa maka-Kanluraning kultura, pulitika at isipirtwalidad na siyang nagiging ugat ng ating pagkapariwara at patuloy na kamangmangan sa ating katutubong sarili.

Ang mga lumad at iba’t-ibang katutubong komunidad sa ating kapuloan ay siyang mga nalalabing kultura na ating pinag-ugatan. Ang mga katutubong ito ay nagpanatili ng kanilang kalayaan sa kabila ng malawakang pananakop ng iba’t-ibang institusyong kagaya ng monarkiya, simbahan at mga korporasyon. Napanatili ng mga katutubong komunidad na ito ang kanilag kasarinlan sa harap ng mga modernong pangdigmang kagamitan at mga banal na kasulatan. Gayundin, patuloy silang tumututol sa kaunlarang inilalako ng mga korporasyon sa pagmimina, pagkuha ng natural gas at pagto-troso.

Ang mga nalalabing katutubong kultura at mga komunidad ay siyang natitira nating koneksyon sa ating katutubong sarili. Dapat nating kondenahin ang anumang karahasan, pang-aalipusta at pagtatangkang alisin sila sa kanilang organikong pamumuhay.

Sa maraming pagkakataon, ang pagpasok ng mga institusyon kagaya ng gobyerno, militar, korporasyon, simbahan at mga otoritaryan na maka-kaliwang grupo ay nagdudulot ng kaguluhan, pang-aabuso, pang-aalipusta at pagpatay sa mga lumad at katutubo. Libong taon bago pa dumating ang sistema ng mga institusyon ay malaya at masagan nang namumuhay ang ating mga ninuno, samakatuwid hindi nila kailangan ang mga kaunlarang inilalako ng pagmimina, pagto-troso, militarisasyon at konsyumerismo.

Matagal na nating alam ang mapag-imbot na intesyon ng mga korporasyon sa mga tinubuang lupa ng mga katutubo; at sa tulong ng gobyerno kanilang winawasak ang mga kalikasan na siyang batayan ng pag-iral, kultura at kabuyahan ng ating mga kapatid na katutubo.

ITIGIL ANG PAGPATAY SA MGA LUMAD! KATARUNGAN SA MGA KATUTUBONG BIKTIMA NG PANGDARAHAS NG MGA KORPORASYON, GOBYERNO AT MAKA-KALIWANG GRUPO NA GINAGAMIT ANG MGA KATUTUBO PARA SA KANILANG PAMPULITIKANG INTERES, NEGOSYO AT PRIBELEHIYO.

 

******************************************************

 

Bilang Anarkista (di ko alam kung sang-ayon ba ang mga mas ganap na Anarkista sa pagtawag ko sa sarili ko nito), Awtonomiya ang pinaka-concern ko sa isyung ito. Ang call na sinisigaw nila ay call ba talaga nila. Hindi ba nakukumpasan ng mga taga-labas kung paano sila mangatwiran? Walang dudang may naitutulong ang kaliwa sa laban nila sa propaganda, pero nakipag-ugnay ba sila sa kaliwa dahil sa tingin nila’y ang kaliwa ang nagsusulong ng kanilang awtonomiya o dahil wala nang ibang malapitan. (May sense ito dahil ang kaliwa ang may pinakamalaking makinarya). Istruktural at politikal ang galaw ng kaliwa, ganito din ba ang gusto nilang laban? O may sarili silang paraan?

Dahil sa tanong na ito, nagka-usap ang ilang kapwa Anarkista ( na hindi naman laging nagkakasundo) sa kung ano ang magandang aksyon. Nagkasundo na ang gusto namin ay ang mapanatili ang “self-determination” o (mas-angkop na termino) Awtonomiya ng mga katutubo sa kabila ng malalaking grupo na nakikisangkot. Paano?  “E di hayaan nating sila ang mag-usap-usap. Ipakausap natin sa ibang katutubong grupo na may parehong struggle”. Naintindihan naming hindi namin pwedeng idikta kung ano ang dapat nating gawin dahil di tayo sila, hindi natin alam ang sitawasyon nila. Tagalabas tayo.

“Paano nga natin gagawin?”

“ E di gawa tayo ng public dialogue kung saan pwede sila magbahaginan ng mga sentimyento at solusyon. Bigyan din natin sila ng pagkakataon na magkausap nang sila-sila lang. Kahit tayong mag-o-organize ay di makikisali.”

At sinimulan naming ang paggalaw. Gumawa kami ng sulat para sa kanila:

 

 

Pagbati sa Kadatuan at lahat ng mga Lumad,

 

Mapagpalang araw sa ating lahat.  Ipinapanalangin namin ang kabutihan ng inyong lagay sa pagtanggap ng liham na ito.

 

Hindi lingid sa ating kaalaman na ang opresyon at pang-aabuso sa mga katutubo ng mga korporasyon, gobyerno at iba pang partido, sa kapuluang ito ay isang isyu na nararanasan ng maraming katutubong grupo. Ang ibang katutubong grupo ay bago pa lang na nararanasan ito at ang iba nama’y nakapagtaguyod na ng mga mga aksyon hinggil dito. Ang sistematikong panggagamit ay nangyayari sa buong kapuluan, at  patuloy na pinapaki-alaman ang awtonomiya o kasarinlan ng bawat grupo sa direksyong gusto nilang tahakin.

 

Bunsod nito, inorganisa namin ang isang dayalogo kung saan maaaring mag-usap, magbahagi ng karanasan, at makinig ang iba’t ibang katutubong grupo na may hawig ang mga sitwasyong kinakaharap. Dito, hindi pakikialaman ng mga organisador ang nais sabihin o ibahagi ng mga katutubo sa bawat isa o sa publiko. (Nakasalalay ito sa desisyon ng mga magsasalita kung sang-ayon sila sa pampubliko o pribadong pag-uusap). Sa paraang ito, inaasam na hindi masagasaan ang awtonomiya ng bawat isa sa pagdedesisyon. Bagkus, magkakaroon lamang ng palitan ng karanasan sa pagitan ng mga katutubong grupo para magkaroon na mas malawak na pagtanaw ang bawat isa.

 

Kaugnay nito, nais naming imbitahan ang ilan sa inyong pamunuan (5-10 na tagapagsalita) na bukas sa ideyang ito ng pakikibahagi para makilahok sa nasabing aktibidad. Kabilang sa mga iimbitahan pang katutubong grupo ay ang mga Talaandig ng Bukidnon at ang Cordillera People’s Liberation Army, na kilalang mga kritikal na katutubong grupo, maka-kanan o kaliwa man ang kaharap.

 

Inaaasahang magaganap ang aktibidad sa UP Diliman o sa Asian Theological Seminary sa Quezon City. Ang oras at petsa ng nasasabing aktibidad ay nakasalalay sa tugon ng mga inimbitahang grupo. Umaasa kami nang lubos sa inyong positibo at desididong tugon.

 

Maraming salamat at maginhawang hinaharap.

 

 

Lubos na gumagalang,

 

 

Local Autonomous Network

Nobyebre 6, 2015

 

******************************************************

 

Nagpunta ang ilang kasama sa Liwasang Bonifacio para ipaabot ang sulat. Natantsa na naming hindi magiging madali ito. Wala doon ang unang nakausap na datu. Ipinaharap sa kanila ang isang organizer na hindi naman katutubo. Kailangan daw munang isangguni sa “pamunuan” ang tungkol sa suhestyon naming. Natanggap na naming malabo ang pinaplano.

 

Sinundan ng mga tropa ang paggalaw na ito. Napag-usapang maglunsad na lang ng activity sa Baclaran, sa protesta ng kaliwa laban sa APEC kung saan sumama/isinama ang mga Lumad. Ang plano ay magpakain at magtayo ng libreng palengke na lagi namang ginagawa ng mga grupo sa network. Naglagay ng banner kung saan nakalagay ang statement ng network. Nakilahok ang maraming katutubo at lokal sa area. Hanggang ang isa ay nagpakilalang datu ng mga Lumad at galit na nagtanong kung bakit hindi isinasangguninsa kanila ang galaw na ito. Iniutos na ibaba ang statement at itigil ang programa. Ganun di ang nais ng Redemptorist Church na pinuwestuhan ng activity.  Sumunod naman ang grupo at lumipat. Pero sinuway pa rin sila ng mga taga-simbahan. Ang kahina-hinala ay kung bakit ayaw makipag-dayalogo ng nasabing mga sumita sa publiko. May nakarinig pa sa wikang Bisaya na pinapapasok ang Lumad para hindi marinig ang dayalogo. Bakit?

Nung kinahapuanan, isang lalaki sakay ng isa pang lalaki sa motor ang sumugod at kinuha ang nasabing banner. Napigil ng ilang kasama ang pagkuha sa banner pero hindi nakilala ang lalaki. Nananatiling kalmado ang mga kasama at tinapos ang program pagdating ng gabi.

Ang nakakatawa dito ay kung paano i-portray ng mga nasa kaliwa ang aksyon. Nakakatawang itina-tag ang mga Anarkistang ito na pakawala raw ng estado para i-destablisa ang ugnayan ng kaliwa at nga mga katutubo. Ginagawa naman talaga ng estado yun pero, kami? Kami pa?

Nasundan ko ang isang thread sa FB na nag-uusap sa kung sino iyong mga kumilos na iyon. Nasabi ng isa na :

dati kong mga kasama sa LAN hahaha
dati pa man bago ako maging MLM, anarko-sindikalista ako na pro-union at talagang makakaliwa na ang tendency. Masama ang pananaw nila rito. Tapos malaman-laman ko, anti-civ primitivism pala ang gusto. hahaha jusko…

…Sila po ay mga anarkista ng Local Autonomous Network (LAN).
Sa kanilang paniniwala, ang “rebolusyon” nila ang tamang landas patungong “otonomiya”.

Dati ko silang mga kasamahan. Ang pinaka-bokal sa kanila na nakikita rin diyan ngayon sa larawan ay si B** *****.
Mahilig sila magsagawa ng libreng pakain (Food Not Bombs) at mag-propaganda laban sa Estado (at laban din sa Kaliwa).

Maituturing ko silang counter-revolutionary.

Dati po akong anarkista at sila ang dati kong mga kasama bago ako humiwalay at mapasama sa kilusan ng Kaliwa ngayon. Dati pa man ay hindi na nila vibes ang pagka “Anarko-komunista/Anarko-Sindikalista” ko noon, kaya nagkagalit-galit lalo nung malaman nilang MLM na ako. Haha

 

 

Ito na yung pinakamatalinong komentaryo na nakita ko dun sa thread. Totoo ang ilan sa network ay may pagka-anti-civ pero sigurado kaya silang lahat ng lumahok sa pagkilos na iyon ay anti-civ/primitivist? Baka kasi hindi lahat. Unang-una, kung Anachist nga ang mga ito, posible bang pare-pareho sila ng stand? O may sari-sariling bersyon ang mga ito ng kanilang stand at nagkakaisa lang sa particular na isyu na ito. Sanay kasi tayong mag-categorize. Madali iyon, lalo’t kung isang sentralisadong grupo ang pinag-uusapan, yung mga grupong galing sa isang sentral na pamunuan nagmumula ang desisyon at ideolohiyang tatanggapin ng lahat ng kasapi. Pero hindi angkop ang ganito sa isang network na anti-authoritarian, hindi naniniwala sa representasyon, at walang sentral na komite.

Kung nais nilang kilalanin ang Anarkismo, hindi marahil angkop tignan ito sa lente ng authoritarian ideology, dahil malamang magiging negatibo ang suri. Maraming strand ang Anarkismo, kaya kung nais itong kilalanin, kumausap ng totoong Anarkista at magbasa ng mga babasahin sa Anarkismo. Hindi ito makikilala sa pagtatanong sa mga taong hindi ito naiintindihan at sa pagbabasa ng mga babasahing tumutangka lang na i-kategorya ang Anarkismo sa ilang salita o tags.

May nagkomentaryo pa na:  yak mga anarkista tapos di simpatetiko sa kaliwa? ano sila, rightists? if anything, diba anarkista dapat nakakaintindi bakit nag-aarmas mga tao?

Unang-una, hindi  obligasyon ng mga Anarkista na dumagdag sa bilang ng  pawn ng kaliwa. Ang mga Anarkista ay kritikal lalo sa sarili. May ganoong konsepto naman din ang kaliwa pero limitado pa rin ang pagiging kritiko. Pangalawa, hindi lahat ng anarkista ay naniniwala sa bayolenteng tugon. Anarkista sila, hindi mo sila pwedeng diktahan gaya ng pagdidikta sa mga foot-soldiers. Bawat aksyon ay sinusuri muna, hindi basta sumusunod sa utos lalo kung ang otoridad ng utos ay nagmula lang sa istruktura ng kapangyarihan, sa pagiging otoridad ng otoridad.

Naniniwala akong may silbi ang Kaliwa sa lipunan. Marami silang nagagawa na hindi nagagawa ng maliliit na grupo. Ang kuntensyon ko lang ay bakit kailangang mang-coop ng mga institusyong ito. Istudyante pa lang ako sa PUP ay namulat ako sa aktibistang oryentasyon na kapag wala ka sa hanay nila ay kalaban ka na. Hindi inclusive kundi cooptive. Hindi ba maaaring magkaroon ng pagbabago o rebolusyon sa labas ng kanilang paradigm? Na kailangang burahin ang maliliit na pag-aalasa na hindi kaugnay ng sa kanila? Kailangan ba talagang sumailalim sa kanila para manalo sa sariling laban? Totoong malaki ang kalaban, pero kung ang ideya nila ng pagkakaisa ay ang pagsailalim sa kanilang organisasyon, ay pagsailalim sa isa pang organisasayong mala-estado, kailangan ko munang pag-isipan.

Marami akong kaibigan sa kaliwa at hinahangaan ko sila. (At sana kaibigan ko pa din sila pagkatapos nito). Iniaalay nila ang kanilang buhay sa kung ano ang tingin nilang tama. Pero yung mas hinahangaan ko sa hanay nila ay yun mga hindi namimilit ng kanilang kaisipan, yung mga left na kritikal pa din sa left at hindi messianic ang tingin dito. Hinahangaan ko yung bukas pa rin sa pakikipag-usap at hindi nakikipag-usap lang para itulak ang sa kanila. Hinahangaan ko yung mga kaibigan na may tapang pa ring umamin sa pagkakamali at itama ito. Yung mga lumalaban talaga para sa maliliit at hindi para sa partido lang. Nawa’y paulit-ulit nating balikan ang ating mga kaisipan at aksyon.

Sabi nga ng isang kaibigan ko, “the revolution will never graduate.”

 

Para sa awtonomiya ng lahat sa ekonomiya, kultura at panlipunang desisyon.

 

Taks Barbin

Safehouse Infoshop